Thursday, March 16, 2006

total recall

--> compilation ng ilang mga na-post sa mga lumang blog ko:
a day in the life (september 25, 2004)
tatlong taon na akong programmer ngayong setyembre. isang taong contractual at dalawa bilang regular. sa ganito kahabang panahon, napakaraming bagay na ang aking natutunan, napakaraming laro na ang aking natapos, napakaraming tao na ang aking nakausap, at doble pa nito ang dami ng kape na aking nainom. maraming pangyayari na ang nagturo sa akin ng mga dapat at hindi dapat gawin, kalikutin at kainin tuwing nagpo-program. sa buhay ng isang programmer, mahalagang ipunin mo lahat ng problemang iyong nasolusyunan para magamit mo kung sakaling mangyari ulit ang ganoong suliranin o kung may kaopisina kang makakaranas ng katulad na mga sitwasyon o kung may nagpapagawa sa'yo ng thesis at kailangan mo ng perang pangkasal.naguumpisa ang araw ko sa paghitit ng isang yosi at pagcheck ng e-mail ng mga branches na may problema at ng mga forwarded mails na pwedeng padala sa'king mga kaopisina. dito ako kukuha ng inspirasyon para sipaging magprogram hanggang umayaw na at maghang ang pc ko. sa saliw ng rock song at ng kinakain kong macaroni o nilupak, magsasanib ang lahat ng powers sa'king katawan para umpisahang tipahin ang keyboard at mag-isip ng solusyon sa aking mga problema.

bawat problema ay ina-arrange ko mula sa kaya kong gawin kahit nakapikit hanggang sa problemang kailangan nang gamitan ng magic ni david blaine. kung suwerte ka at wala kang problema, maraming mapaglilibangan diyan. mga enhancements, mga bagong module na dapat tapusin, testing, paggawa ng memo, pag-rollout ng bagong version ng sistema, paggawa ng manual, at pagkain ng noodles. tawag din sa mga ito ay iba pang mga problema. nakaugalian ko na huwag umuwi hangga't hindi natatapos ang lahat ng dapat tapusin at hindi nauubos ang lahat ng problema maliban na lang kung hindi ko na talaga kaya o kung may laro ang ginebra. kahit ty lang, basta para sa bayan. basta na-set ko na ang mind ko na kaya ko lahat itong tapusin hanggang deadline, sigurado akong maaga ako papasok sa araw ng deadline para magkatotoo lang ang sinabi ko. kung kasing deboto mo ako sa pagkahilig sa programming, masaya mong matatapos ang lahat ng bagay na nabanggit ko ng mas maaga at may panahon pa para magyosi pa ulit ng isa.

ngunit tila mapaglaro ang tadhana dahil habang abala at excited ako sa pagpo-program, diyan maguumpisang magtawagan ang mga user ng sistema ko para magtanong, humingi ng tulong, magkuwento ng love life at maghanap ng masisisi sa kamalian niyang nagawa. maipagmamalaki ko naman na wala ako ni isang user na nakaaway o nakasagutan dahil likas na mahaba ang aking pasensiya. dito mo kasi matututunan ang mga bagay na akala mo ay sa abante mo lang mababasa.

may mga user pala na tatawag pa rin sa'yo para magpaturo kahit na pinadalhan mo na sila ng instructions sa kanilang gagawin, mas gugustuhin din nilang magrestore ng backup kaysa gumawa ng memo na papipirmahan sa boss nila, maya't maya ay nakakaimbento ng bagong problema, hindi agad tatawag hangga't hindi pa lagpas sampu ang problema nila, at laging kailangang-kailangan na nila ang pinagagawa nila at pipilitin kang matapos ito agad kahit alam mong mas uunahin niya pa ring umuwi at manood ng telenovela kaysa hintayin kang maipadala ang natapos mong solusyon. ito ang mga user na pipilitin talagang ubusin ang pasensiya ko. pero gaya ng nasabi ko, hindi nila ko mapipilit na magwala sa opisina. may mga user din naman na abot singit ang tuwa kapag nasolusyunan mo na ang kanilang problema. ang iba nga'y nagpapadala pa ng mga delicacies nila o di kaya ay pizza. meron ding mga user na alam ang kanilang ginagawa kahit nanonood pa sila ng it might be you. nariyan din ang user na handing maghintay at magtiyaga kasama mo basta matapos lang ang lahat ng kailangang gawin. kahit ma-miss nila ang episode ng mulawin. iyan naman ang mga masarap maging user. sa pakikipagusap sa mga user, nariyang mapagusapan niyo ang hirap at sarap ng kanya-kanyang trabaho, mga dapat baguhin sa sistema, mga na-miss niyong episode ng marina, at maging mga personal na impormasyon. dapat matuto ang bawat programmer na igalang at unawain ang mga user kahit hindi nito maintindihan ang gusto ng programmer na mangyari. nandiyan nga tayong mga programmer para mapagtanungan nila sa mga bagay na nalilito sila o sadyang hindi nila alam o gusto pa nilang malaman. minsan, humihingi na lang talaga sila ng tulong sa takot na baka magkamali sila sa gagawin nila. bagay na alam kong ginagawa din natin pag hindi din tayo sigurado sa gagawin natin. kung kasing tindi ng pang-unawa ko ang pang-unawa mo, yakang-yaka mo pa rin ngumiti kahit tatlong oras na kayong nagtuturuan sa telepono at hindi niya pa din matandaan ang kaibahan ng slash at backslash.

sa bawat pagsubok na napagdaanan ko bilang programmer, akala ko ay alam ko na ang pasikot-sikot ng lahat. maling akala pala. isang kasama ko pala sa opisina ang magpapaalala sa akin na marami pa akong bigas na dapat kainin. na ang tanga-tanga ko pa pala. na ang hindi ko kayang pangaalipusta ng tao ay magagawa pala sa'kin ng isang kakilala. na ang pisi ko pala ay pede ding mapatid.

kahapon, masayang-masaya akong binuksan ang payslip ko. dalawang taon na kasi akong regular at expected ko na may 1,000pesos na akong longevity earning. ngunit ang ngiti sa aking mukha ay agad ding nalaglag sa sahig ng makita ko na ito ay 272.73 lamang. dahil curious ako at marahil ay masyadong nag-expect sa 1,000pesos na iyon, napatawag agad ako sa admin para magtanong. bagama't maaaring hindi ganito ang aktuwal na usapan namin, ganito ang aktuwal na usapan namin:
ako: "ma'am, bakit po 272.73 lang ang longevity ko?"
ma'am: "eh, magkano ba ang gusto mong longevity?" (ang ibang tao ay mapipikon na sa ganitong kasagutan)
ako: "akala ko po kasi eh 1,000pesos agad ang makukuha ko dahil 2years na'kong regular."
ma'am: "eh kelan ba ang exact date na naregular ka?"
ako: "september 25 po nung 2002."
ma'am: "isa, dalawa, tatlo, apat lima, anim. tama! di ka ba marunong magbilang? 1000 divided by 22 days times 6 days equals 272.73. may tanong ka pa ba?" (ang kanyang binilang ay ang mga petsang 25-30 since naregular ako ng 25 at ang payslip pay period ay september 15-30. ang sarap sa tenga ko ng mga katagang "di ka ba marunong magbilang?" at "may tanong ka pa ba?")
ako: "ah, kaya pala. pro-rated din po pala ang longevity."
ma'am: "oo, pro-rated iyan. sa october mo pa makukuha iyong buong 1,000pesos. ok?"
ako: "ok ma'am, akala ko po kasi eh once nag 2years ka na eh automatic ibibigay sa'yo ang 1,000pesos." (dito ay naunawaaan ko na ang lahat at napawi na ang pagkainis ko. pero…)
ma'am: "ano?! makukuha agad?! sige nga at gawa mo ko ng program niyan." (at napatid ang pisi ko.)
mapagkumbaba pa din akong nagtenkyu at nagpaalam sa phone. nag-aya magyosi sa labas kasama ng aking sama ng loob. ang dami ko agad natutunang bago.

--> dapat ay alam mo na ang sagot sa mga bagay na hindi mo pa alam at gusto mo pa lang malaman.
--> dapat eh marunong ka magbilang. kahit hanggang 6 lang.
--> dapat kahit hindi na-explain sa'yo ang pagcompute ng lahat ng earnings at deduction sa payslip mo ay alam mo na agad ito ora mismo.
--> dapat alam mo na ang mga pro-rated at hindi.
--> dapat kahit first time mo na-encounter kaya ka nga nagtatanong ay dapat na alam mo na ito simula't sapul pa lang.
--> dapat ay handa kang magprogram sakaling mali ang akala mo.
--> dapat ay huwag ka ng magtatanong tungkol sa kung paano ginagawa ang kikitain mo sa iyong pagtratrabaho dahil alam mo na dapat ito at baka hindi mo karapatan magtanong.
--> natutunan ko din na ang pagrespeto at pagunawa mo sa user mo ay hindi tatapatan ng respeto at pangunawa din galing sa nirerespeto mong kasama sa trabaho.
--> na kaya ko din palang magalit at isipin ang mga nangyari mula opisina hanggang makauwi ng bahay hanggang 1:27 ng madaling araw.
--> na kapag ginagalang mo at nakakabiruan mo ang isang tao, kaya ka pa rin niyang ituring na mangmang, tanga, bobo at hindi marunong magbilang hanggang 6.

masakit isiping kahit gaano na kahirap ang ginagawa ng mga programmer sa araw-araw, may mga tao pa ding maliit ang tingin sa aming mga accomplishments. na tingin nila ay alam namin ang lahat kahit trabaho na nang iba. na tingin nila ay hindi kami marunong bumilang hanggang 6.

ang mga naganap na pag-uusap ay hindi ko nagawa ni minsan sa kahit sinong nakausap ko na seryosong nagtatanong sa mga bagay na hindi niya talaga alam. kahit katropa ko pa. wala akong nakasamaan ng loob sa tatlong taon ko sa trabaho. masayahin akong tao. hindi ako agad nagagalit. itanong niyo pa sa nakakakilala sa'kin. at marunong ako magbilang kahit lagpas hanggang 6.

seven. eight. nine. ten
======================
mga bagay na aking natutunan sa pagpunta sa kasal nang dati kong minahal (april 10, 2005)

1. kapag nandoon ang mga kakilala niyo dati, na dati ring nanunukso sa inyo, tutuksuhin ka pa din nila sa kanya kahit alam nilang ikakasal na siya at ikaw ay may asawa't anak na.
2. tatanungin ka nila kung, "masakit ba?"
3. kapag nakita mo ang dati mong minahal na inaayusan para sa kanyang kasal, 'di ka makakapagsalita. hindi dahil nabighani ka ulit, kung hindi dahil wala kang maisip sabihin na hindi awkward ang kalalabasan. mas masarap pa ito kapag tinanong ka mismo nang dati mong minahal nang, "oh dense, bakit hindi ka makapagsalita? speechless ka yata?"
4. kapag nakita ka nang nanay at kapatid nang dati mong minahal, masaya sila na nakadating ka sa okasyon. kakamustahin nila ang buhay mo para hindi ka masyadong feeling "all by myself".
5. kapag naglalakad na sa aisle ang groom, pipigilan ka nang mga tropa mo na parang ayaw nilang saktan mo 'yung groom kahit wala ka namang balak gawin 'yun.
6. sasabihin nang tropa mo na, "mas guwapo o mas maganda ka diyan" para gumaan ang loob mo.
7. kapag naglalakad na ang bride, aasarin ka nila sa pamamagitan nang pagsaksak sa kanilang puso na simbolo nang "ouch".
8. hahawakan ka nila para pigilan kapag nagtatanong na ang pari kung "may tututol ba sa kasalang ito?"
9. patuloy pa din ang pang-aasar na mas matindi kapag sinabi na nang pari na "you may kiss the bride." gusto mo na silang murahin at pagbabarilin.
10. sa picture taking, gusto nila ay tabihan mo ang dati mong minahal para daw souvenir. tapos susungayan daw nila 'yung partner para makaganti.
11. kapag patayo-tayo ka at paalis-alis sa puwesto para magyosi, sasabihin nila na nate-tense ka.
12. kapag panahon na para magpaalam at kinamayan mo na ang taong minahal mo dati, sasabihin niya sa iyo na "kiss naman diyan". tapos, "o embrace naman." pampagaan siguro nang loob.
13. kapag pinakilala ka niya sa kanyang asawa, puwede ka niya pakilala na, "honey, this is my lover." na ikakagulat nang kanyang asawa. babawi naman agad siya nang "joke only."
14. mami-miss niyong magtotropa 'yung good ol' days. magyayayaan kayo na mag-inuman minsan. mangangako kayo na magkikita-kita ulit.
15. hindi lahat ay mabibigyan nang souvenir.
16. hindi ko kakayanin ang napakaraming putahe. at hindi mo na mauubos ang dessert.
17. hindi lahat ay makakasabay mo pag-uwi.
18. uuwi sila nang bahay na ang feeling nila ay "labis kang nasaktan" gayong sampung taon na ang nakararaan nung siya ay minsan mong minahal. at ikaw ay kuntento na sa iyong asawa't anak.
19. gaganti ka na lang next time. grrrr.
======================
ode to ben and tracy (may 26, 2005)
may pagkakataon ba na ang isang araw sa buhay mo ay ninais mong ulitin magmuli? may ninais ka bang baguhin dito?
mga natigil na alala ng panahong lumipas. mga larawang nagdaan bago ka lumisan sa lugar na iyon habang ang lahat ay nagpaiwan, nag-usisa, tumahak ng ibang daan o pumunta sa kawalan.
alaala ng magandang samahan.
mga sitwasyong alam mo na kakaumpisa pa lamang ngunit pilit nang tinatapos sa hindi malamang dahilan. dahil ba sa tingin nila ay mali? dahil ba naiinggit sila? dahil ba ito na ang nakagisnan o kinalakihan? o dahil hindi lang talaga nila maintindihan? ngunit kung tutuusin, ito ay pwede, basta walang masasaktan. na ito ay posible kung hindi lang magdidikta ang nakararami na ito ay hindi maaaring mangyari. at kung hindi ka papalupig sa diktang ito.
iyan ay isa lamang pahina sa pagiging magkaibigan. marami pang magagandang adventure ang pagiging magkaibigan. iyan ang isa sa mga musika ng buhay. kung paanong ang buhay at musika ng buhay mo'y nagiging bahagi na din ng buhay niya, even if it's for only one memorable day, one monumental night. paglipas ng mga taon, maaalala mo pa din ang mga pangyayari mula sa mga awiting nagbigay daan sa inyong pagkakakilala, pagkakabungguan o pagtatampuhan o paghihiwalay man. mga awitin kung saan nakilala mo ang iyong mga naging kaibigan, mga hindi naging kaibigan, naging bestfriend, o pati ang iyong nakatuluyan. may mga taong patuloy na nagre-reminisce ng mga panahong una silang nagkita ng kung sino mang dumaan sa buhay niya. 'pag narinig nila ang kanilang mga awitin noon, naaalala pa nila ang kanilang panahon. ang panahong ninais na ulitin na magmuli ng minsan pa.
may ibang mga gabi na memorable for a different reason. mga masayang gabi na sa una'y mukhang okay lang. nandoon ang same old songs, at lahat ay kumilos on same old motions. but once the crowd was cleared, alam mong di mo makakalimutan ang gabing iyon. dahil doon natapos. may bahaging natapos.
wala kang nagawa kung hindi iligpit ang iyong mga gamit at magpaalam. walang batas. lahat pedeng mangyari.
biglaan.
may mga ganitong gabi at may mga mas malala pa. maaaring walang nagwakas pero may nangyari na mas higit pa sa pagwawakas, o may nagwakas kung hindi lang naagapan. mga gabing ninais mo na lamang kalimutan ngunit nakakatuwang ang musika'y pinipilit ito isiksik sa iyong ulo at idikit ito sa iyong mga alaala.
may pagkakataon ba na ang isang araw sa buhay mo ay ninais mong ulitin magmuli? oo naman.
may ninais ka bang baguhin dito? di ko alam. lahat. wala siguro. ganoon pa din siguro magtatapos kung paano ito totoong natapos. doon pa din siguro ito magtatapos kung saan ito talagang nagsimula. minsan, ang mga pangyayari'y sadyang napakabilis na lahat ay dumadaan lamang sa iyong mga mata. isang malaking gabi, at maagang natatapos, walang sapat na oras para mag-usap pa at pag-usapan ang mga bagay na hindi nasabi.
bakit kailangang matapos? pwede pa ba ang isang kanta bago tuluyang matapos? dapat pumili ng isang maganda. yung tipong aawit-awitin mo pa din hanggang sa paguwi at pagtulog mo.
======================
ode to pochi (june 29, 2006)
ang mundo ng pag-ibig ay sadyang makulay at misteryoso. bibihira ang nagkakapareho ng daang tinahak para marating ang pagkakakilala ng isang tao sa kanyang sariling kahulugan ng pag-ibig. hindi naman lahat ng pag-ibig ay tagumpay. hindi din lahat ng pag-ibig ay masaya. at may pag-ibig din na hindi na kailanman natuklasan o nasabi. pero hindi maikakaila, na nakakakilig umibig at ibigin.

may pag-ibig na tinatago at handa lamang isiwalat kung nasiguro na niyang may pag-asa siyang mahalin ng kanyang tinatangi. titiisin lahat ang sakit ng paghihintay at pagkukunwari huwag ka lamang masaktan. maghihintay hangga't hindi na dumating ang inaasam na panahon. at saka mo sasabihin sa kanyang minahal mo siya gayong huli na ang lahat. torpe. duwag. walang tiwala sa sarili. madami ang ganyan. ayaw masaktan ng pag-ibig. ayaw makasira ng pagkakaibigan. ayaw makipagsapalaran. pero, 'yung iba nagtatagumpay diyan. may iba, na ayaw ng ganyan. iba-iba talaga ang tao eh. may pag-ibig na handang ipaglaban pa ng patayan. may pag-ibig na sinisigaw sa buong mundo. may pag-ibig na tinatago. may pag-ibig na bawal. may pag-ibig na nagtatapos bago man lamang ito nagsimula. may pag-ibig na hindi pinaramdam at kinipkip na lamang sa puso. may pag-ibig na maipagmamalaki gaano man ito kaliit. may pag-ibig na bigla na lang susulpot. may pag-ibig na bigla ka na lang gigising at alam mong inlove ka na sa saliw ng musikang nagpapatibok sa puso mo ng mabilis. iba-ibang pag-ibig. iba-ibang landas na tinahak. landas na isa lang naman ang nais marating - ang tunay at wagas na pag-ibig.

si lalaki at babae ay nagkakilala nung grade 3. nagsimulang mag-duet sa kantang "always" ng atlantic starr at masasabi nating naging malapit sa isa't isa. minsan nung grade 4 (o 5), habang magkatabi sila sa isang desk, hinawakan ni lalaki ang kamay ni babae. nagulat siyang hindi ito tumanggi. sa ilalim ng desk na iyon, walang naging saksi sa madiin nilang pisilan ng kamay maliban sa kanilang dalawa. nagpalitan sila ng valentine's card taun-taon. pero maniniwala ka bang ang pagtitinginang iyon ay hindi nauwi sa pagiging magkasintahan? ang pinakamalapit nilang narating ay ang pagiging valedictorian at salutatorian ng klase. sila ay nagkita nung college na sila pareho. nag-usap, pero hanggang doon lang. minsan, andoon na lahat 'yung signs pero hanggang doon lang talaga. hanggang signs. bakit kaya? kulang ba ang magic ng pag-ibig? sila ngayon ay kapwa may asawa't anak na. minsan, naiisip mo pa ba na ano kaya ang nangyari kung nagpunta siya sa simbahan noong araw na kayo'y nag-usap magkita habang umuulan? iba kaya ang nangyari?

sa isang classroom ng grade six section 5, nautusan si grade six section 1 na lalaki na pumunta dahil pinapatawag daw siya ng adviser ng section 5. pagdating niya doon, walang ibang tao maliban sa isang estudyanteng babae ng klase na iyon. sila'y nagkakilala ng lubusan. alam ni lalaking set-up ang lahat para sa kanilang dalawa ng kanilang mga kaibigan. na hindi niya naman pinagsisihan o kinainis man lang. at naisulat na nila ang pangalan ng isa't isa sa "who is you love?" question sa bawat slum book na pinasagutan sa kanila. at si babae ang unang naging kasintahan ni lalaki. pero panandalian lang. pag-graduate nila at dahil nagkahiwalay ng iskwelang pinasukan, nagkahiwalay din sila ng landas. nagkita sila nung 4th year hayskul na si lalaki at kasalukuyang tumigil sa pag-aaral si babae. nagbabayad si lalaki kay babae ng t-shirt na kanyang binili sa isang mall dahil si babae ang kahera nung oras na iyon. andoon pa din ang love. nagkita din sila nung college na si lalaki at hinihintay ang kanyang liniligawan noon sa simbahan. kasama ni babae ang buo niyang pamilya. bago umalis si babae ay nag-iwan pa ng salitang, "darating din 'yon." andoon pa din ang love. minsang nawika ni lalaki na first love never dies talaga. pero ngayong hindi na sila nagkikita pa muli, at si lalaki'y may pamilya na, masasabi niya pa kayang "first love never dies" sa muli nilang pagkikita? andoon pa din kaya 'yung love?

si lalaki ay hindi guwapo pero maipagmamalaki naman niyang may mga nagka-crush din naman sa kanya ng hindi sinasadya. may isa na nagsabing crush niya si lalaki nung graduation day at alam niyang hindi na sila magkikita muli kaya sinabi niya na din ang hidden feelings niya para dito. 'yung isa, tingin ng tingin habang nagkaklase at ang akala ng katabi nung lalaki ay siya ang tinitignan. nalaman na lang ni lalaki na siya ang tinitignan ng lumapit ito at nagpakilala sa kanya. ang isa ay nagbigay sa kanya ng poster ng crush niya noong si carmina villaruel at may nakasulat sa likod na, "alam mo ang lakas ng sex a-feel mo". ang isa ay pinilit makilala ang the beatles dahil paborito ni lalaki ang banda na ito. minsan niyang naitanong kay lalaki na, "sino ba yung beatles, mga maliliit na tao na kumakanta?" yung isa ay nagbigay ng mga makabagbag damdaming sulat na siya ay nalulungkot dahil nalaman niyang ang kabarkada pala niya ang type ng lalaki. pero nag-wish pa din siya ng goodluck sa kanila. 'yung isa ay titser. 'yung isa tinanong si lalaki kung may phone number ba ito sa bahay at kung saan siya nakatira at kung pede niya itong puntahan. 'yung isa ay narinig niya sa isang kabarkada na nanukso ng, "uy, may nagkaka-crush sa iyo, ayun oh." pero ganoon ang pag-ibig para sa lalaking iyon na kung wala kang nadarama para sa isang taong may pagtingin sa'yo, hindi mo dapat samantalahin ang pagkakataon. kapag walang magic, walang love. walang dapat saktan at masaktan. pero, ano kaya nangyari kung isa sa kanila ay sinubok mong mahalin?

si babae ay biglang pinagtapatan ni lalaki ng kanyang pag-ibig isang araw habang nagse-celebrate sila ng 50th foundation day. sinabi ni babae sa lalaki na, "sorry pero ayaw ko pang magka-boyfriend ngayon eh." basted si lalaki sa madaling salita. noong sumunod na linggo, pinakilala ni babae ang kanyang boyfriend sa lalaki at sa kanilang barkada. ganda no? minsan, ganyan kalupit ang pag-ibig.

si babae ay titser, si lalaki ay estudyante niya. nag-umpisang maging close sa pagdesign ng classroom every start of the month. andiyan ang paglalagay ni titser ng panyo sa likod ng lalaki dahil masyado itong pawisin, paggupit nito ng kuko na pilit ni lalaking pinapahaba, ang pagpuna niya sa long hair nito, at marami pang masasayang araw na... ganoon na nga, masasaya. minsan isang araw, ginising si lalaki ng kanyang mga bisitang kaibigan na isasama siya sa isang okasyon... sa kasal ni titser. ouch.

si babae ay minsang umamin na crush niya si lalaki sa isang truth or consequence. si lalaki ay minsang umamin na crush niya din si babae sa isa pang truth or consequence. hindi sinasadya, natuklasan nila ito mula sa common friends. maraming nangyari pagkatapos noon. mga masasakit at masasayang pangyayari na parang sa pelikula mo lang mapapanood. maraming pangyayaring nagbigay daan para maging malapit pa lalo sila sa isa't isa. at doon nagsimula ang pagiging mag-mu nila. marami uling nangyari pagkatapos noon. mga masasakit at masasayang pangyayari na parang sa pelikula mo lang ulit mapapanood. maraming pangyayaring nagbigay daan para biglang-bigla eh maging malayo sila sa isa't isa. biglaan. at doon nagsimula ang pag-iiwasan nila. pag-iiwasang parang hindi man lang sila naging magkaibigan. 'yung pagiging mu nila ay nalaman na nga lang pala ni lalaki nung minsang tawagan niya si babae dahil kailangan nito ng makakausap dahil kakahiwalay niya lang sa first boyfriend niya. iyak ng iyak si babae sa phone. pilit naman siyang pinapakalma ni lalaki. mga pangyayaring alam niyo na kung saan niyo lang nakikita. pero hindi naman nadugtungan ang dating pagiging mag-mu nila. pero atleast, nabuhay ulit ang pagiging magkaibigan nila. pag-ibig na sadyang ginawang komplikado ng mga pangyayaring, oo, pangyayaring parang sa pelikula mo lang makikita, pero di tulad ng karamihang pelikula, hindi nagkatuluyan si lalaki at babae dito. paano kung ang "and they live happily ever after" ay nangyari?

maraming lalaki ang nabighani sa kanyang angking katalinuhan at kagandahan. nariyang magbilangan pa ang mga ito ng pogi points na makukuha mula sa kanya. pero iba ang lalaking ito. umibig siya nang palihim. at nang magtatapos na ang klase, inamin niya sa kaibigang babae na siya din mismo ay nabighani bagama't mas nanaig ang paghawak niya sa kanilang pagkakaibigan. labis itong kina-flatter ng babae at proud siya na ang lalaking ito ay hindi nag-take advantage sa kanilang pagkakaibigan. ngayon, bagama't hindi na sila madalas magkita, andoon pa din ang pagmamahal sa isa't isa bilang magkaibigan. isang uri ng pag-ibig na hanggang doon lang, sa pagiging magkaibigan. paano kung ang pagmamahal mo na intensity level 4 lang ay naging intensity level 8 na? kikimkimin mo pa din ba?

si babae ay crush na ni lalaki sa unang pagkakataon na nagkita sila. pero hindi niya ito magawang sabihin. hanggang dumating ang pagkakataong sinagot ni babae ang isa sa kaibigan ni lalaki na matiyagang nanligaw sa kanya. dumating ang panahon na nagwakas ang pag-iibigang ito. sa isang pagpupulong ng grupo, naamin ni lalaki sa babae na crush niya ito noon pa. at sayang, dahil si babae ay may tinatangi din palang pagtingin kay lalaki. bakit daw hindi ito sumabay sa kanyang kaibigan noon. sa panahong hindi pa handang umibig muli si babae, si lalaki ay nanatili tulad ng dati. kinubli na lamang ang pag-ibig niyang tinatangi kay babae. hanggang magkahiwalay na sila ng landas. sa friendster na lamang nalaman ni lalaki na nag-asawa na si babae. sana ba ay niligawan mo na siya bago pa siya naging miss mexico at miss u.n. sa school?

si babae ay nasa malayong lugar. pero nagkaibigan sila ng lalaki dahil sa text messaging lamang. sabay na silang nangarap na ang pinanghahawakan lamang ay ang mga litrato nila sa isa't isa. alam ni mylady na someday, dadating ang myprince niya sa harap niya, kasama ang kanilang mga binuong pangarap. pero, hindi ganoon ang nangyari. ang layo ng kanilang pag-iibigan ay naging hadlang sa naglalapit nilang puso. paano kung biglang lumuwas si babae sa maynila at nagkita kayo?

si babae ay nakilala ni lalaki sa panahong may mahal pa itong iba. ngunit hindi nagtagal ay nabighani na din ang babae kay lalaki. nariyang matawag niya ang kanyang mahal sa pangalan nito. nariyang mas ma-miss niya si lalaki kaysa sa kasintahan kada darating ang sembreak. at nariyang mas maipakita pa nito ang pagmamahal sa lalaki ng higit pa sa kaya niyang ipakita sa kanyang kasintahan. matapos ang tatlo't kalahating taon na pagiging matalik na magkaibigan, naghiwalay si babe at ang kanyang kasintahan. dito, naipahayag na nila sa isa't isa ang pag-ibig na itinagong pansamantala para manatiling tama sa lahat ng nakamasid. naging sila, ngunit sa loob ng tatlo't kalahating taon din lamang. naramdaman na lang kasi ng babae na naglaho na ang pag-ibig sa kanyang part. si lalaki, dahil sa pag-aakalang hindi na sila kailanman magwawalay, naging kumpiyansa na wala man siya sa tabi ni babae eh mamahalin pa din siya nito gaya ng dati dahil iyon ang nadarama niya dito. pero sa dami ng hadlang para sa mga miminsan nilang pagkikita, dumating na sa point si babae na hindi niya na talaga makita ang pag-ibig ni lalaki. mahal na mahal ni lalaki si babae pero wala siyang magagawa. nagkulang siya sa maraming bagay. at kailangan pang mawala ang babaeng mahal niya para malaman niya ito. kahit hiwalay na eh sila pa din naman ang magkatuwang sa maraming bagay. sila pa din ang magkasama sa mga lakaran at sa mga kuwentuhan. si lalaki, umaasang sa ginagawa niyang ito ay muling manunumbalik ang dating pagmamahal ni babae. pero iba ang pananaw ni babae. alam niyang kahit hindi na sila magkasintahan, alam niyang mahal siya ni lalaki at handa itong maging karamay niya kahit ganoon na lamang ang sitwasyon nila, magkaibigan. so, nakalimutan ni babaeng subukan muling ibigin si lalaki. hanggang dumating ang panahong, napagod si lalaki. nang ibalita niya kay babae na may bago na siyang kasintahan, doon napagtanto ni babae na hindi habang buhay eh maghihintay sa kanya ang lalaking ito. at nadama ang panghihinayang. ng isa't isa. noon. malamang, hindi na ngayon. o, hindi na nga ba?

napakaraming landas na tinahak, pero pare-pareho lang naman ang nais marating - ang tunay at wagas na pag-ibig. ang mga musika ng pag-ibig ay dumaan lamang at mapalad tayong ating narinig bago pa ito tuluyang mawala, matapos at malaos. ang mga pagsasama, sa hirap at ginhawa, sa tampuhan at asaran, sa sintunadong awitin at corny jokes. laging pasulong, humaharap sa panibagong hadlang at karunungan na magkasama. paikot-ikot-ikot. minsan kung pasulong ka sa buhay ang akala ng iba ay may iniiwasan ka. hindi ba puwedeng tayo ay sumulong papunta sa isang bagay na sabay?

minsan mo bang inisip na lumihis at umiwas sa landas na tinahak ng iyong nakaraan? o nanatili ka pa din ba sa daang inyong tinahak kahit hindi na kaaya-ayang tignan ang daan? andoon ka pa din ba sa lugar na dati ninyong tinigilan ng sabay, kahit hindi na ito kasing ganda ng dati? para ka bang naglalakbay na ibon na pinupuntahan pa din ang mga lugar na dati nilang pinag-inuman kahit ito ay natayuan na ng malaking gusali? mas naging importante ba sa'yo ang mga bagay na nagdaan kaysa sa mga bagay na haharapin mo pa lang? minsan ba ay ayaw mo ng makakilala ng bago? minsan ba naisip mo na ipagpalit ang lahat-lahat ng nangyari at nang alaala para sa isang hinaharap na si babae o si lalaki muli ang iyong makasasama para malaman mo kung paano ang ending ng pag-ibig mo kung sabay ninyong tinahak ang misteryosong landas ng pag-ibig?

kampay. 30.
======================
and what-not (july 04, 2005)

alpha

pagkagising, pagkatapos magkape at magyosi, pagkatapos magbasa ng diyaryo, pagkasipilyo, pagkaligo, pagkabihis, kailangang handa na naman sa paglalakbay papasok sa opisina. hinanda ang mp3 player, bumili ng yosi, nagbulsa ng halls candy at nag-umpisa ng maglakad.

sa kalsada, makikilala mo na ang mga lubak, mga dumi ng aso at mga maputik na bahagi na dapat mong iwasan. makikita mo palagi ang mga tambay sa kanto, ang mga nagdidilig ng kalsada, ang mga nagwawalis ng halamanan, ang mga nagpapasyal sa kanilang aso, at ang mga nakatigil na bangaw sa hangin. maririnig mo ang sigaw ng taho, puto at bibingka, ang tsismisan tungkol sa nagdaang araw, ang kahol ng mga aso, ang tilaok ng mga manok at ang hanging pilit dumadampi at lumalaban sa init ng sikat ng araw. madadama mo na ang pagod, ang hirap, ang layo, papasok ka pa lang. maglabas ka na ng halls candy.

paglabas ng eskinita na naglalaman ng graffiti tungkol sa kalinisan na natatakpan lamang ng mga natapong basura kagabi, alam mo na ang kasunod. giyera na. panibagong pakikibaka makarating lamang sa opisina. ang mga ingay ng sasakyan, mga usok ng kanilang tambutso, ang mga sigaw ng tagatawag sa pasahero, iyan ang almusal mo papasok. tapos, yosi ang appetizer mo.

habang binabaybay ng jeep ang kalsada, makikita mo ang mga estudyanteng late na sa kanilang klase katulad mo. andoon din ang mga tinanghali mamili sa palengke. ang mga namamalimos na itinulog na lang ang gutom. ang mga traffic enforcer na walang alam sa daloy ng trapiko. ang mga tindahan ng kung anu-anong bagay at pagkain na hindi pa nauubos. pagbaba mo ng jeep, lakad ulit, habang nagsisindi ng panibagong yosi.

lrt. siksikan, mainit at matagal. kasama mo dito ang mga katulad mong pilit hinahabol ang oras. nandito ang mga hindi pa naligo at nag-almusal. ang mga puyat. ang mga maiingay. at ang mga tahimik at nagdarasal na sana'y makarating sa kanyang pupuntahan. lahat nandito na. hindi ka nga lang pwedeng magyosi. buti at may baterya pa ang mp3 player. gagawin ka nitong bingi sa lahat ng mga ingay na pinagsawaan mo na ding mapakinggan. bagama't minsan, ninanais mo din itong hinaan o patayin at baka may bago na sa mundo ng tren ng buhay mo.

habang bumababa sa tren, naglabas ka na ng panibagong halls candy. at pagbaba sa huling bahagdan, isa na namang yosi. yosi na kasama mo sa paglalakad at pag-aantay ng bagong masasakyan. malayong lakaran, kasama ang mga taong nakasakay mo sa lrt kanina lang. takbuhan, unahan, pag may jeep na daraan. minsan, hindi sapat ang isang yosi sa paghihintay. kailangan mo pa magsindi ng panibago bago matupad ang hiling mo na isang jeep o fx na wala pang pasahero, kasama ang dasal na sana ay umabot ka pa sa grace period.

pagbaba sa malapit sa opisina, magsindi pa ng isang yosi. maglalakad habang nagyoyosi at kumakanta. palinga-linga at baka may makita na kakilala o kaibigang bihira mo ng masilayan. maghintay mag-red ang traffic light. tapos tawid patakbo. magpi-pin ng id. papatayin ang mp3 player at lilipadin ang bundy clock. yes. hindi ako late. masaya kang papasok sa iyong tanggapan at bubuksan ang computer kasabay ng pagkain ng in-order na egg sandwich.

hay, kay tagal mag 5:30 para makapaglakbay muli. makapagyosi nga muna.

omega

minsan, habang naglalakbay makikita mo ang mga taong dati mo nang nakikita. kung paanong ganoon pa din ang kanilang ginagawa. kung paanong ang kilos nila ay nakabisado mo na. makikita mo din ang mga bagong mukha. kung paanong punung-puno sila ng pag-asa sa bagong lugar na kanilang napili. at kung paanong malungkot at bigo pa din nila ito lilisanin. minsan, nakakapagod na silang tignan. nakakapagod na makilala mo sila sa iyong sariling paraan at bigla na lang silang mawawala isang araw. at makakakita ka na naman ng mga bagong mukha na alam mong ikakapagod mo na naman na kilalanin.

ano ba ang tingin nila sa lugar na ito na kanilang kinapadpadan? isang pag-asa? sabagay, nang muli kong tignan ang lugar na aking kinalakihan, madami na nga ang nagbago. suwerte sila at ang mga pagbabago na ang kanilang nadatnan. hindi na nila nakita ang mga matatandang tambay na harapang nagbubugahan ng marijuana sa daan. ang mga gabing pinapatay ang ilaw sa poste para makapag-session ng bato sa saliw ng tugtuging "happy birthday". ang mga riot. ang mga eskandalosong away mag-asawa. ngayon, makikita na nila ang mga bata pa lang ay marunong nang gumawa ng pipa para sa marijuana. ang mga posteng lantaran ng nakabukas para sa mga nagbebenta ng bato. ang mga barilan. ang mga saklaan kahit walang patay. marami na ang nagbago. iyon naman eh ayon lang sa opinyon ko.

marami nang lugar ang nagsara. napalitan na ng mga bago na pilit nagpapakagarbo malampasan lamang ang naibahagi ng lugar na dating nakatayo dito. kung maglalakad ako sa aming lugar, at ipipikit ko ang aking mga mata, wala na sigurong flashback ng mga lumang alaala. hindi ko na ito makikita pa. makikita mo pa ba ang mga vandalism na minsan mong sinulat sa pader nung ika'y sumali sa isang fraternity gayong ito'y pininturahan na at tinayuan na ng isang computer rental shop? makikita mo pa ba ang puno ng kamyas na inyong pinagtatambayan ngayong ito'y pinutol na at isa nang basketball court? makikita mo pa ba ang barberya na nung minsang magpagupit kayong magkakabarkada eh halos pare-pareho ang naging gupit niyo kahit iba-iba ang hiniling niyong gupit gayong ito'y natayuan na ng mcdonalds? makikita mo pa ba ang parke na tagpuan niyo ng iyong sinta gayong ito'y pinamugaran na ng iba't ibang food outlet? swerte ang mga bagong dating at hindi na nila mararanasan ang pagkaulilang nadama ko para sa mga lumang alaala sa lugar na ito. sana nga lang eh bagong pag-asa ang ipinunta nila dito at hindi ang dahilang gusto lang nilang manggulo dahil hindi nila ito magawa sa dating lugar na tinigilan nila. hindi namin kailangan ng manggugulo. marami kami dito niyan.

minsan, nakakatuwa na sa isang kuwentuhang barkada, mag-uunahan kayong magbigay ng pinakamatinding panlalait sa inyong lugar. pero kapag ibang tao ang nanlait dito, eh handa ninyo itong ipagtanggol hanggang patayan. hindi ko pa nagawang malait ang lugar na aking kinalakihan. palaging may nauuna sa akin. hindi man ganoon kaaya-ayang tignan, maipagmamalaki kong hindi ako nagpatangay sa lugar. sa lugar na bagama't mahirap pakisamahan noong una, eh nagpumilit pa ding makibagay sa akin. at madami ding tulad ko na dati'y walang pag-asa eh nakikita ko ng nakangiti sa lugar na amin ng natutunang mahalin. malayo man ito sa ideal neighbor na inyong pinapangarap, hindi naman siya peke. natural ang kilos ng bawat isa. lahat, pinapakita lang kung ano at sino talaga siya. hindi man siya kaaya-ayang lakbayin para sa iba, handa ko itong ikutin maghapon basta may halls candy at yosi.

hay, kay tagal mag 5:30 para makapaglakbay muli. makapagyosi nga ulit.
(p.s. - kuha ang title sa nag-commentary kanina sa credo. paulit-ulit niya itong binabanggit kapalit ng more famous at classic na "etcetera")
======================
caramel bar (july 21, 2005)

at the train station, i saw my world. she was there in slow motion, walking away from the door, straight into the exit. i was staring inside the train, in the window, straight to her. hoping she'll look back and notice me staring at her. and something unexpected did happen. she looked back at the train, in the window, straight back to me. and there's more than meet the eyes. and i jumped off the train and went wandering with her. that's how we've met. and we ended up sharing a small caramel bar that night.

at home, i cooked lame breakfast and she cooked fine dinner. we bought a new record every week. me, picking the old classic ones and she, choosing the rockin' tunes. we bought a new movie every week and memorized each funny and cheesy lines some people don't care about. we got all dressed up and praise one another on how we looked good with what we're wearing. we got all dressed up just to stay at home and go to a much needed sleep. we never run out of mundane things to talk about. laughing our heart out until we cannot breathe any more. then we'll go jump off of bed and outrun one another for the last bottle of our favorite drink at the fridge. then start all over again, only this time, we'll be running outside to get a bottle of our favorite drink because there's no more left on the fridge.

we rode our funky bikes out to the old school yard and to the weird places where blind people play new wave music. we walked and talked for hours in the street and we stopped on every 24-hour cafe to get some frap. we walked on every lonely places and let them feel happiness. we talked about how life and people were unfair on some ways that we would end up crying on each other's shoulder. then we'll laugh at one another. just like that. never wanted to be lonely together. two people brought together by big time talks and laughters in that quiet town.

but then i rubbed my eyes. reality check. i don't know how to ride a bike. i don't know how to cook. and she never looked back at me that night on that train station. and i ate the small caramel bar that night alone. 30.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home