Wednesday, September 27, 2006

mangga, dahon, sanga, ibon at langgam

maraming tao ang hindi kayang hawakan ang kalayaan. binabalewala nila ito o minsan ay pinagpapalit sa sitwasyong mahirap hawakan. sabagay, sino ba ang kayang manatili sa isang lugar kung ikaw ay bata pa, mapusok at malakas uminom ng kape? maraming desisyon ang dadaan sa iyong palad at ilan lang dito ang pwede mong kunin.

umaga. wala pa ang mga langgam sa puno. nakaakyat ka ng maayos sa puno ng mangga. nakakain ka ng maraming bunga. patamis ng patamis ang nakakain mong mangga. nakapagpahinga ka sa mga sanga at nalimliman ka ng mga dahon sa init ng araw. may mga naninita at nagpapababa sa'yo sa puno pero hindi mo pinapansin. nandoon na ang lahat sa puno. marami kang pedeng gawin at makain sa taas. nakakadinig ka pa ng awit mula sa mga ibon na nandoon din sa puno. pero 'di nagtagal, nagsawa ka sa kalayaang natatamo mo sa puno. nakakita ka ng puno na mas maraming sanga. inakyat mo. walang pinag-iba ang sarap ng mangga. malilim pa din ang puno. pero ang mga sanga, kahit matataas eh dikit-dikit at nakakahadlang sa bawat kilos mo. hindi ka makapagpahinga ng maayos. at walang huni ng mga ibon. tahimik. kung hindi ka bumaba sa puno at lumipat, baka nagsawa din ang mga naninita sa'yo. baka mas tumamis pa ang mga bunga ng puno. baka mas tumibay pa ang mga sanga. at masabayan mo pa ang awit ng mga ibon. pero maaari din namang hindi na. baka ang bagong puno ay lumuwag din ang mga sanga at makapagpahinga ka na. baka lumipat din ang mga ibon doon at sila'y mag-awitan. pero maaari din namang hindi na.

tanghali. hindi ka makaakyat sa puno ng mangga para makapitas ng mas maraming bunga, makapagpahinga sa mga sanga, at lumimlim sa mga dahon nito dahil may mga langgam na kinakagat ka sa tuwing lalapit ka dito. makakakita ka ng isa pang puno ng mangga na walang langgam sa paligid. kaya iiwan mo ang naunang puno para puntahan ang bagong puno ng mangga. nakaakyat ka agad dito at nakakuha ka ng mas maraming mangga pero hindi ka makapagpahinga at manatili sa mga sanga sapagkat ito'y marami at dikit-dikit at nakahadlang sa bawat nais mong tigilan at pagpahingahan habang kumakain ng mangga. kakaunti din ang dahon na naririto kaya wala kang mapaglimliman. sa naunang puno, layu-layo ang sanga. makakakilos ka sana ng malaya. maiisip mo tuloy na sana eh tiniis mo na lang ang kagat ng langgam at inakyat na lang ang naunang puno. makakakain ka din naman doon ng mangga. makakapagpahinga at malilimliman pa. pero maaari din namang hindi na. baka mas lumaki pa ang langgam na hindi mo na makayanan ang kagat at mahihirapan ka nang tapakan. baka manatiling hadlang pa din ang mga sanga. pero maaari din namang hindi na.

gabi. maraming tao ang nasa taas ng puno ng mangga. yung iba, mas nakakakain ng marami. yung iba mas nakakapagpahinga sa mga sangang napuntahan nila. 'yung iba eh presko pa dahil sa lilim ng mga dahon ng puno. pero, isa-isa, unti-unti, lahat eh nag-asam bumaba para lumipat ng ibang puno. may langgam man, may naninita man, wala mang gaanong bunga o mas marami ang bunga, dikit-dikit o layu-layo man ang sanga, marami o kakaunti man ang dahon, basta makababa lamang sa puno. maaaring 'yung iba ay swertehin sa bagong puno na kanilang aakyatan. maaaring malasin din ang iba at mas mawalan. ang mahalaga, nagawa nila ang nais nilang ipahayag. malayang desisyon. hindi kami takot sa langgam. mas gusto namin ang mas maraming bunga na puno. kulang pa ang kalayaang hatid ng mga sanga. nais naming lumilim sa iba pang mga dahon. sana nga ganoon ang mangyari sa lahat. pero maaari din namang hindi na. baka mag-antay ka na lang sa paglago pa ng bunga, pagluwag ng sanga, at pagdami ng dahon. pero maaari din namang hindi na. baka doon ka na manatili hanggang sa ito'y tuluyan ng maubusan ng bunga. pero maaari din namang hindi na.

tama naman talaga ang nagagawa nating mga desisyon sa buhay. desisyon mo 'yun eh. tama dapat 'yun para sa iyo. mali man sa iba. lamang, hindi natin alam kung hanggang kailan ba ito magiging tama. kung sa umpisa pa man eh mali na, hindi ka nagdesisyon noon. hinayaan mong ang sitwasyon ang magdesisyon para sa'yo.

maraming tao ang hindi kayang hawakan ang kalayaan. binabalewala nila ito o minsan ay pinagpapalit sa sitwasyong mahirap hawakan. sabagay, sino ba ang kayang manatili sa isang lugar kung ikaw ay bata pa, mapusok at malakas uminom ng kape? maraming desisyon ang dadaan sa iyong palad at ilan lang dito ang pwede mong kunin. pero bata ka pa naman. matagal pang magiging mapusok. at marami pang magdadaang kape. marami pang dadaang pagkakataon para magdesisyon. pero maaari din namang hindi na.

Tuesday, September 26, 2006

empty nest

nakaupo. nakatulala sa computer mo. naisip mo na ba kung ilang inches ang monitor mo? o malinaw ba siya o masakit sa mata?

natutulog. nakayuko sa may cubicle mo. kung minsa'y nakasandal sa bangko mo at nakatakip ng panyo. tumutulo ba ang laway ko? nakanganga ba ako? naghihilik ba ako?

nakatunganga. naghihintay ng uwian. tingin ng tingin sa orasan. nagta-type sa keyboard ng wala lang. ilang minuto pa ba? ilang oras na ba akong ganito?

kumakain. may gana man o wala. may kasabay man o mag-isa. nai-order kaya ako? ilang rice ba ang kaya ko?

nagyoyosi. pampababa ng kinain. pang reset ng utak. iisa pa ba ako? sino ba ang may candy diyan?

nag-iisip. ng maiisip. kadalasan wala. kadalasan malabo. ano nga pala iniisip ko? bakit ko nga ba naisip 'yon?

tahimik. panis na ang laway. walang makausap. walang kumakausap. ilang words na ba ang nabanggit ko ngayong araw? ilang oras na ba nung huli kong marinig ang tinig mo?

nag-aantay. ng makakalaro habang walang ginagawa. hindi naman araw-araw pasko. matatalo din kita. may second round pa ba? random ba? may bagong recruit ba?

nagtetext. habang unlimited. lakas mo. na-send ko na ba ito? dapat ko bang i-send pa ito?

nalilito. hindi alam kung saan mag-uumpisa o kung paano tatapusin. wala ng kinalalaman ang dati mong mga natutunan. susuko ka na ba? o mukhang kakayanin naman?

nagugutom. marahil sa karamihan o sa kawalan ng ginagawa. hindi na tulad ng dati na kakain ka kung kailan mo gusto. ngayon ka lang ba nagutom dahil sa matinding pag-iisip? o nagpapataba ka lang talaga?

feeling worthless. noon man o ngayon. dati, marami kang ginagawa, nagrereklamo ka. dati wala kang ginagawa, nagrereklamo ka. ngayon, wala kang ginagawa eh nagrereklamo ka na? ngayon, ang dami mong ginagawa eh nagrereklamo ka din?

maya maya, mapapansin mo na lamang na may tumutulo ng dugo sa iyong tenga. dapat ng tumigil. uuwi na ba? maglalaro ba? o kakain muna?

nag-uusap. ng kung anu-ano. ano ba ang magandang gawin ngayon? tara nga at tumambay muna tayo sa vendo ng makapag-usap at makapag-kape.

finally, someone was talking sense.

Monday, September 25, 2006

destination anywhere

sampung magkakasunod na taon din akong naglakad mula monumento hanggang sa grotto sa laguna tuwing mahal na araw. kasama ang mga kabarkada noong kolehiyo at ilang nauto naming sumabay. kasabay din namin ang marami pang naniniwala sa ganitong tradisyon at panata, mga walang magawa sa bahay kaya naisipang pumunta, at ilang mga nais magsamantala sa sitwasyon.

ganunpaman, isang hakbang lang ang kinailangan upang sabay-sabay naming lahat tunguin ang isang bahagi ng aming napiling destinasyon. hindi mahalaga kung bakit. hindi din mahalaga kung gaano ka-corny, gaano kahirap at gaano kalayo. ang mahalaga eh kung paano kami nakarating. 'yun 'yon eh.

sampung taon. nagkikita-kita kami sa nakagawiang tagpuan. puno ng pananabik na magkita-kita muli. maraming naipong kuwento. maraming baong tubig at pagkain. maraming bago. maraming nagbago. maraming binago. maraming paraan para magawa lahat ito nang hindi na paghihirapan pa. pero, masarap lumakad kapag may mga kasama ka na handang sumabay lakadin ang daang hinahangad lakbayin. kasama ng pawis at sakit ng katawan ang ngiti at ala-ala. pero ayos lang sa'tin 'yon.

maraming bago. maraming nagbago. maraming binago. ganun ko mailalarawan ang sampung taong ito. dagdag pa ang dalawang taong nagdaan na hindi na kami naglakad pang muli. ewan ko kung bakit. maraming dahilan. iba-iba kami ng dahilan. basta huminto ang pangarap na muling tahakin ang daan patungo sa destinasyong minsanang nagpapasaya sa amin.

minsan maiisip mo, sino nga ba ang lumiko, tumalikod at lumayo sa daang ating tinatahak? tayo ba ay umiwas habang ang daan eh patuloy na umusad na hindi tayo kasama? naligaw ba ang daan? nahirapan ba tayong lakadin ang ating napagkasunduang daan patungo sa lugar na atin ding napagkasunduan? bakit tayo umalis sa daang minsan nating tinahak para magsaya at magkakilala ng higit pa?

maaari din sigurong walang nagbago sa atin at sa halip ay ang panahon at daang tinahak ang nagbago. marahil iyon ang naging problema. nawala natin ang daan, lahat tayo, nung wala tayo para makita ang paglalakad ng isa't isa. nung hindi na tayo nagkakabanggaan para magkamustahan man lamang.

baka lahat tayo'y naglakad sa iisang malaking daan ngunit kanya-kanyang eskinita. may pumili ng malayong daan. may nag-shortcut. may huminto at nagpahinga. may naghanap ng bagong makakasama. may napagod. may naiwan. marahil wala naman sigurong daan talaga kung hindi ang buhay-buhay lang natin at ang maling paniniwala na tayo'y kumikilos patungo sa isang destinasyon ng sabay-sabay, sama-sama. pero hindi na pala.

paikut-ikot tayo. paikut-ikot palayo sa isa't isa. maaaring nararating pa din natin ang inaasama na destinasyon ngunit natandaan ba natin kung paano tayo nakarating? makakabalik pa ba tayo? minsan, kung patuloy tayong naglalakad at kumikilos, akala natin eh umiiwas tayo palayo sa isa't isa. hindi na ba natin kayang sumulong at lumakad patungo sa iisang destinasyon?