Monday, September 25, 2006

destination anywhere

sampung magkakasunod na taon din akong naglakad mula monumento hanggang sa grotto sa laguna tuwing mahal na araw. kasama ang mga kabarkada noong kolehiyo at ilang nauto naming sumabay. kasabay din namin ang marami pang naniniwala sa ganitong tradisyon at panata, mga walang magawa sa bahay kaya naisipang pumunta, at ilang mga nais magsamantala sa sitwasyon.

ganunpaman, isang hakbang lang ang kinailangan upang sabay-sabay naming lahat tunguin ang isang bahagi ng aming napiling destinasyon. hindi mahalaga kung bakit. hindi din mahalaga kung gaano ka-corny, gaano kahirap at gaano kalayo. ang mahalaga eh kung paano kami nakarating. 'yun 'yon eh.

sampung taon. nagkikita-kita kami sa nakagawiang tagpuan. puno ng pananabik na magkita-kita muli. maraming naipong kuwento. maraming baong tubig at pagkain. maraming bago. maraming nagbago. maraming binago. maraming paraan para magawa lahat ito nang hindi na paghihirapan pa. pero, masarap lumakad kapag may mga kasama ka na handang sumabay lakadin ang daang hinahangad lakbayin. kasama ng pawis at sakit ng katawan ang ngiti at ala-ala. pero ayos lang sa'tin 'yon.

maraming bago. maraming nagbago. maraming binago. ganun ko mailalarawan ang sampung taong ito. dagdag pa ang dalawang taong nagdaan na hindi na kami naglakad pang muli. ewan ko kung bakit. maraming dahilan. iba-iba kami ng dahilan. basta huminto ang pangarap na muling tahakin ang daan patungo sa destinasyong minsanang nagpapasaya sa amin.

minsan maiisip mo, sino nga ba ang lumiko, tumalikod at lumayo sa daang ating tinatahak? tayo ba ay umiwas habang ang daan eh patuloy na umusad na hindi tayo kasama? naligaw ba ang daan? nahirapan ba tayong lakadin ang ating napagkasunduang daan patungo sa lugar na atin ding napagkasunduan? bakit tayo umalis sa daang minsan nating tinahak para magsaya at magkakilala ng higit pa?

maaari din sigurong walang nagbago sa atin at sa halip ay ang panahon at daang tinahak ang nagbago. marahil iyon ang naging problema. nawala natin ang daan, lahat tayo, nung wala tayo para makita ang paglalakad ng isa't isa. nung hindi na tayo nagkakabanggaan para magkamustahan man lamang.

baka lahat tayo'y naglakad sa iisang malaking daan ngunit kanya-kanyang eskinita. may pumili ng malayong daan. may nag-shortcut. may huminto at nagpahinga. may naghanap ng bagong makakasama. may napagod. may naiwan. marahil wala naman sigurong daan talaga kung hindi ang buhay-buhay lang natin at ang maling paniniwala na tayo'y kumikilos patungo sa isang destinasyon ng sabay-sabay, sama-sama. pero hindi na pala.

paikut-ikot tayo. paikut-ikot palayo sa isa't isa. maaaring nararating pa din natin ang inaasama na destinasyon ngunit natandaan ba natin kung paano tayo nakarating? makakabalik pa ba tayo? minsan, kung patuloy tayong naglalakad at kumikilos, akala natin eh umiiwas tayo palayo sa isa't isa. hindi na ba natin kayang sumulong at lumakad patungo sa iisang destinasyon?

2 Comments:

Anonymous Anonymous ay nagwika na...

mahirap lumakad patungo sa iisang destinasyon. darating ang panahon na magbabago tayo ng gustong puntahan at ng gustong makasama. magsasawa tayo sa paulit ulit na bagay na ginagawa at pinag-uusapan. di ba natin kaya sumulong at lumakad mag isa sa destinasyon na ating gustong marating?

10:33 AM  
Blogger Unknown ay nagwika na...

pede naman. may mga tao namang hindi na kinailangan na may kasama pa para marating ang minimithi niyang destinasyon.

si jon bon jovi nga eh nag-solo pansamantala at isinantabi muna ang banda niyang 'bon jovi' para marating ang kanyang destinasyon na makagawa ng solo album na pinamagatang 'destination anywhere' na siyang pinagkuhanan ng titulo nung post.

pero ibang topic na siguro pede banggitin 'yun. after all, ang topic nung post is about longing for the same trip with the same people. of course, with some touch on other issues in my life. 'yun lang. bow.

5:16 PM  

Post a Comment

<< Home