mangga, dahon, sanga, ibon at langgam
maraming tao ang hindi kayang hawakan ang kalayaan. binabalewala nila ito o minsan ay pinagpapalit sa sitwasyong mahirap hawakan. sabagay, sino ba ang kayang manatili sa isang lugar kung ikaw ay bata pa, mapusok at malakas uminom ng kape? maraming desisyon ang dadaan sa iyong palad at ilan lang dito ang pwede mong kunin.
umaga. wala pa ang mga langgam sa puno. nakaakyat ka ng maayos sa puno ng mangga. nakakain ka ng maraming bunga. patamis ng patamis ang nakakain mong mangga. nakapagpahinga ka sa mga sanga at nalimliman ka ng mga dahon sa init ng araw. may mga naninita at nagpapababa sa'yo sa puno pero hindi mo pinapansin. nandoon na ang lahat sa puno. marami kang pedeng gawin at makain sa taas. nakakadinig ka pa ng awit mula sa mga ibon na nandoon din sa puno. pero 'di nagtagal, nagsawa ka sa kalayaang natatamo mo sa puno. nakakita ka ng puno na mas maraming sanga. inakyat mo. walang pinag-iba ang sarap ng mangga. malilim pa din ang puno. pero ang mga sanga, kahit matataas eh dikit-dikit at nakakahadlang sa bawat kilos mo. hindi ka makapagpahinga ng maayos. at walang huni ng mga ibon. tahimik. kung hindi ka bumaba sa puno at lumipat, baka nagsawa din ang mga naninita sa'yo. baka mas tumamis pa ang mga bunga ng puno. baka mas tumibay pa ang mga sanga. at masabayan mo pa ang awit ng mga ibon. pero maaari din namang hindi na. baka ang bagong puno ay lumuwag din ang mga sanga at makapagpahinga ka na. baka lumipat din ang mga ibon doon at sila'y mag-awitan. pero maaari din namang hindi na.
tanghali. hindi ka makaakyat sa puno ng mangga para makapitas ng mas maraming bunga, makapagpahinga sa mga sanga, at lumimlim sa mga dahon nito dahil may mga langgam na kinakagat ka sa tuwing lalapit ka dito. makakakita ka ng isa pang puno ng mangga na walang langgam sa paligid. kaya iiwan mo ang naunang puno para puntahan ang bagong puno ng mangga. nakaakyat ka agad dito at nakakuha ka ng mas maraming mangga pero hindi ka makapagpahinga at manatili sa mga sanga sapagkat ito'y marami at dikit-dikit at nakahadlang sa bawat nais mong tigilan at pagpahingahan habang kumakain ng mangga. kakaunti din ang dahon na naririto kaya wala kang mapaglimliman. sa naunang puno, layu-layo ang sanga. makakakilos ka sana ng malaya. maiisip mo tuloy na sana eh tiniis mo na lang ang kagat ng langgam at inakyat na lang ang naunang puno. makakakain ka din naman doon ng mangga. makakapagpahinga at malilimliman pa. pero maaari din namang hindi na. baka mas lumaki pa ang langgam na hindi mo na makayanan ang kagat at mahihirapan ka nang tapakan. baka manatiling hadlang pa din ang mga sanga. pero maaari din namang hindi na.
gabi. maraming tao ang nasa taas ng puno ng mangga. yung iba, mas nakakakain ng marami. yung iba mas nakakapagpahinga sa mga sangang napuntahan nila. 'yung iba eh presko pa dahil sa lilim ng mga dahon ng puno. pero, isa-isa, unti-unti, lahat eh nag-asam bumaba para lumipat ng ibang puno. may langgam man, may naninita man, wala mang gaanong bunga o mas marami ang bunga, dikit-dikit o layu-layo man ang sanga, marami o kakaunti man ang dahon, basta makababa lamang sa puno. maaaring 'yung iba ay swertehin sa bagong puno na kanilang aakyatan. maaaring malasin din ang iba at mas mawalan. ang mahalaga, nagawa nila ang nais nilang ipahayag. malayang desisyon. hindi kami takot sa langgam. mas gusto namin ang mas maraming bunga na puno. kulang pa ang kalayaang hatid ng mga sanga. nais naming lumilim sa iba pang mga dahon. sana nga ganoon ang mangyari sa lahat. pero maaari din namang hindi na. baka mag-antay ka na lang sa paglago pa ng bunga, pagluwag ng sanga, at pagdami ng dahon. pero maaari din namang hindi na. baka doon ka na manatili hanggang sa ito'y tuluyan ng maubusan ng bunga. pero maaari din namang hindi na.
tama naman talaga ang nagagawa nating mga desisyon sa buhay. desisyon mo 'yun eh. tama dapat 'yun para sa iyo. mali man sa iba. lamang, hindi natin alam kung hanggang kailan ba ito magiging tama. kung sa umpisa pa man eh mali na, hindi ka nagdesisyon noon. hinayaan mong ang sitwasyon ang magdesisyon para sa'yo.
maraming tao ang hindi kayang hawakan ang kalayaan. binabalewala nila ito o minsan ay pinagpapalit sa sitwasyong mahirap hawakan. sabagay, sino ba ang kayang manatili sa isang lugar kung ikaw ay bata pa, mapusok at malakas uminom ng kape? maraming desisyon ang dadaan sa iyong palad at ilan lang dito ang pwede mong kunin. pero bata ka pa naman. matagal pang magiging mapusok. at marami pang magdadaang kape. marami pang dadaang pagkakataon para magdesisyon. pero maaari din namang hindi na.