(akda ni misis)
malaki ang naging bahagi ng cellphone sa buhay ko. may masasaya, may malungkot, nakakatawa at nakakainis. college ako ng unang mauso ang cellphone. analog pa noon at napakalaki ng cp. mayayaman pa lang ang kayang bumili nito dahil sa sobrang taas ng presyo. dahil sadyang mabilis ang pag-angat ng teknolohiya, nauso na ang cellphone with texting. para lang ito sa mga pipi at bingi noon, pero kalaunan ginagamit na ng halos lahat ng tao. bata, matanda, babae, lalake, bakla at tomboy - lahat gustong magkaroon nito. isa siguro ako sa mga taong 'yun pero dahil 'di naman mayaman ang pamilyang pinagmulan ko kaya alam nyo na - wala akong cellphone.
third year college ako ng magkaroon ng trabaho. kailangan para maipagpatuloy ko ang pag-aaral ko. medyo humina kasi ang kita ni papa kaya kinailangan kong tumulong. march 30, 1999 - ang first day ko. nang mga panahong ito ay nasa isang relasyon ako. isang taon ko nang boyfriend ang isa sa pinakaguwapong lalaki sa kolehiyong pinapasukan ko. marami ang nagtataka bakit ako ang girlfriend nya. 'di kasi ako kagandahan - sexy lang. sa taas kong limang pulgada, bigat na 80lbs, vital statistics na 29-24-30, puwede na 'di ba??? (yaaabbbaang!!!!!)
alam kong may pagka-pabling ang boyfriend ko noon pero masasabi kong behave naman siya sa unang taon ng relasyon namin. hanggang sa tyaraaann - nauso ang nokia 3210 na cellphone. dahil may telepono naman kami sa bahay (sila wala) at dahil may trabaho na ako, binilhan ko sya ng nokia 3210 (fact: nauna pa siyang nagka-cellphone kesa sa akin). dahil sa nokia 3210, nagkaroon siya ng textmate (whaaat???). ang isa sa naging textmate nya ay ang ex-gf nya na galit sa akin dahil inagawan ko daw siya ng bf (whaaat???). ‘di totoo ‘yun siyempre. dito na nag-umpisang magkalamat ang relasyon naming - dahil sa nokia 3210. nagkabalikan sila ng ex-gf niya maliban sa sangkaterba niyang textmate. at siyempre gf niya pa rin ako ('di ko alam eh, busy ako sa studies at work). nang malaman ko, lima pala kami as in five, singko - you know; 1,2,3,4,5 pala kaming gf niya (tigas ng panga 'di ba???). siyempre nakipaghiwalay ako, and guess what??? hiniwalayan nya ang apat na babae (yabaaannng!!!!).
pagkatapos ng madaming sorry (1,000x) at maraming pangako (with matching kneeling and crying pa ang drama nya ha!!!) eh nagkaayos ulit kami. pero dahil ulit sa nokia 3210 eh muli na naman siyang natukso at paulit-ulit-ulit-ulit na natukso. 'di na kami nagkaayos ulit (trivia: isang mas batang babae ang naging kapalit ko).
pagka-graduate ko ng college 'di na ulit kami nagkita. ng mga panahong ito ay meron na rin akong cellphone - tyaraaan nokia 8210 (sosyal 'di ba???). meron na din akong textmate na kalaunan eh nalaman kong ang ex-bf ko pala. kahit gusto ko siyang balikan, 'di ko ginawa kasi takot ako - takot akong dahil sa nokia 8210 ko kaya niya ko babalikan (mahal ang bili ko dun eh!).
lumipas ang 2 taon. nokia 6510 na ang cellphone ko (hiniram ng pinsan ko ang nokia 8210 ko at sa kasawiang palad ay nadukot ito sa sm fairview). sa loob ng dalawang taon na ito ay naging matindi ang bonding namin ng nokia 6510 ko. nalimot ko na ang sakit ng pagkawala ng nokia 8210 ko. marami akong naging textmate, ang isa sa kanila ay ang ultimate crush ko nung high school pa lang ako. niligawan niya ako at sinagot ko siya (dream come true ito girl!!!). 'di nagtagal ang relasyon namin dahil wala na pala ang dating pagkahumaling ko sa kanya. nakipaghiwalay ako at ang balita ko hanggang ngayon ay galit pa siya sa akin.
itinigil ko na ang pakikipag-textmate, naisip ko kasing pang teenager lang ito - dapat na akong mag-mature. pero sadyang tukso ang nokia 6510 ko. nasa bahay ako ng isang kaibigan (birthday ng anak nya!!!) ng biglang may nagtext sa kanya. dating kasama sa trabaho na nagkataong kakilala din ng isa pa sa mga kaibigan ko. nangangamusta. inagaw ko ang cp nya at ako ang nag-reply sa text ng misteryosong lalaki. kinukumusta niya si janice (isa sa mga kaibigan ko na nakasama din niya sa trabaho). nagreply ako ng "ayos lang sya. si joanna ayaw mo bang kumustahin?" ang textback "sige pre, ikumusta mo na rin ako kung sino man ang joanna na yan" (mataray!!!) anyway, dito nag-umpisa ang pagiging textmate namin. kalaunan, nalaman kong baliktad yata kami sa halos lahat ng bagay. favorite ko ang pizza at pasta, 'di siya kumakain ng pizza. sa dessert, leche flan ang the best para sa akin, voila! 'di siya kumakain ng leche flan. mahilig akong mag-swimming (kahit 'di ako marunong lumangoy), ayaw niya ng swimming (dahil 'di daw siya marunong lumangoy). mahilig akong mang-asar, pikon sya. pareho kaming mahilig magbasa, tagalog pocketbook sa akin, english sa kanya. mahilig siya sa banda at maingay na tugtog (idol nya ang kamikazee at bandang keso), mahilig ako sa r&b at si nina ang idol ko. ayoko ng wrestling (ninerbyos ako ng minsang makapanood ako), sinusubaybayan nya ang wwe. at ang pinakamatindi - favorite team niya ang ginebra, favorite team ko ang kung sino mang kalaban ng ginebra sa pba 'pag may laban ito. hehehe.
pero aaminin ko na kahit madami kaming pagkakaiba, siya ang pinaka may sense kausap sa lahat ng naging textmates ko. may lalim kung baga. pagkaraan ng almost two months na pagiging textmates, nagpasya kaming magkita. curious ako sa hitsura niya kasi sabi ng friend ko, 'di daw siya ang tipo kong lalaki (madaya siya, alam na nya ang hitsura ko, pinakita ng isang common friend namin ang pix ko sa kanya). dec. 25, 2003 ang napagpasyahan naming date. pagkatapos ng dose oras na duty ko sa ospital na pinagtatrabahuhan ko ay dumating ang sundo ko. tama ang kaibigan ko, 'di nga sya ang tipo ko.
tumuloy pa rin kami sa pinlanong lakad. masaya naman siyang kasama. pasko noon kaya may gift siya sa akin (ako walang gift sa kanya). magaan ang loob ko sa kanya. tuloy ang pagte-text namin sa isa’t isa (crush na siguro nya ako!!!). nasundan pa ang date namin (dito sigurado crush na talaga nya ako!!!). dec. 30, 2003 bang!!! kami na, walang masyadong ligawan na nangyari.
masaya kami. kain sa labas, text, nood ng sine, text ulit. nakilala ko ang mga kaibigan at pamilya niya, ganun din siya. masaya kami. unti-unti natutunan naming pag-aralan ang hilig ng isa’t isa. natuto syang kumain pizza at leche flan. nagbabasa na ako ng english books. nanonood na ako ng wwe (in fact, favorite ko si john cena). isa na lang ang 'di ko talaga kayang gustuhin, ang ginebra. hanggang ngayon, kampi pa rin ako ng kalaban ng ginebra at inaasar ko pa din siya - hanggang ngayon pikon pa din siya at pinapatay ang tv lalo na kapag natatalo na ang ginebra.
naipamana ko na ang nokia 6510 ko at ericsson k750i na ang gamit ko ngayon. marami na ang nagbago. may anak na ako ngayon, si yahoo!!! isa na akong ina. may asawa na ako ngayon, si denster, ang textmate ko - mahal ko siya, mahal niya ako. ang bilis noh? para text - message sent!