munting tampuhan
hindi maikakailang nasaktan kita sa mga binitawan kong salita. hinihingi ko ito ng tawad. labis lang akong nanghinayang at nalungkot. masaya naman ako at bati na tayo agad kagabi lang. sana ay nagustuhan mo ang mensahe ko sa'yo kahapon. corny ang patawa pero sana ay magustuhan mo pa din. medyo pinag-isipan ko naman 'yan ng maigi kahit papaano. para mapasaya muli kita.
sa isang comedy sitcom, napatigil ako sa isang joke. parang kailan lamang daw ay ang lamig pa nito at ang lakas-lakas pa. huwag daw muna itong mawawala. paano na daw sila kung wala ito. at ang iniiyakan ng mag-asawa? ang nasira nilang aircon. napaka-corny ng joke kung tutuusin. pero ako ay nangiti. hindi dahil sa joke, kung hindi dahil sa isang sinabi mo na aking naalala.
hindi naman lahat ng bagay na bago lang dumating sa buhay mo at biglang mawala eh hindi mo panghihinayangan. hindi ko sinasabing hindi ka nanghihinayang pero sinasabi ko lang na ako ay labis na nanghihinayang kahit bago lamang ito sa aking sistema. hindi din totoo na porke't noon ay wala ang bagay na ito tapos ay biglang dumating at agadang mawala ay magiging okay lang ang lahat agad dahil dati naman itong wala sa buhay ko. hindi ako ganoon eh. pasensiya na. 'yun na 'yung nagpapasaya sa akin lately eh, tapos biglang mawawala. balik sa dati. malungkot yatang mawala ang saya na agadang mong nakasanayan na.
minsan 'yung mga maliliit na bagay na nagpapasaya sa'yo, 'yun pa ang kayhirap pakawalan. unti-unti nang nawala ang mga masasayang bagay at nanghihinayang ako kung pati ang simpleng bagay na ito na nagpapasaya sa akin ay mawawala na naman. pero sabi ko nga, mawala man ito sa iyong kagustuhan na maging tama ang lahat, eh okay lang. pero, minsan naisip ko ding bakit hindi na lang huwag pansinin ang lahat at ipagpatuloy ang nasimulang kasiyahan. magalit man o mag-isip sila ng masama. basta mahalaga masaya ang buhay. pero alam kong malabo na mangyari ito. masakit, malungkot pero ano pa ba ang magagawa ko? kailangan eh. alam kong hindi iyon ang ibig mong sabihin noon pero nadama ko kasi na parang doon na naman mapupunta. sa pagkawala ng bagay na tanging pinanghahawakan ko na lang para makasama ka. para makakuwentuhan ka. para makilala ka pa. para... masaya.
minsan pala para maging masaya kayo sa buhay niyo, kailangan ninyong maghiwalay, mag-iwasan at maging malungkot. labo 'no? pero ito ba talaga ang tama? titiisin ninyong hindi magkasama o magkausap para lahat ay masaya maliban sa inyong dalawa? sakripisyo ba ito para kanino? para sa mga nakamasid at nag-aantay ng bagong mapag-uusapan? labo pa din sa akin.
pero alam ko, naging selfish ako nung ayaw ko itong pakawalan. hindi ko na kasi gusto ang ganoon. ang mawala na halos lahat. nung minsan na nga itong mawala eh naging malungkot talaga ang buhay ko. makukuntento na lang ba sa mga aksidenteng pagkakataon na tayo ay magkikita o magkakabungguan kung saan-saan?
sumama ang pakiramdam ko nung gabing iyon. nalungkot ako sa mga nangyari. matamlay ako pag-uwi ng bahay. alam kong may nasaktan ako. at alam kong mali ako. at alam kong kailangang humingi ng kapatawaran.
ngayong umaga, maaaring magkausap tayo ng minsan lang. mga hanggang dalawang sentence lang. maaaring magkita tayo ng di sinasadya. mga two seconds lang. maaaring maalala natin ang isa't isa. kahit bigla lang. maaaring mabasa natin ang bago sa buhay ng isa't isa. hanggang doon lang. pero, ang mga maliliit na bagay na iyon, iipunin ko. buong maghapon. at gagawin kong inspirasyon na magbibigay sa akin ng simpleng ngiti sa tuwing aking maaalala.
at pag masaya na ako, papatayin ko isa-isa ang mga taong masyadong pakialamera sa buhay. bwahahahaha. joke lang. pipitikin ko na lang sa ilong.
sa aking special child, sana lumipas man ang mahabang panahon, at tayo'y nagkita magmuli, bigyan mo naman ako ng iyong ngiti. sulit na ako doon. corny no? pero masaya :D
0 Comments:
Post a Comment
<< Home