Thursday, June 09, 2005

maaari ba?

may isang parol na isinabit sa bintana. ang parol na ito ay kakaiba. bagama't nakakita na din ang karamihan ng ganito kagandang parol, patuloy pa din silang namangha sa parol na ito. parang kumikinang at napapalingon ang bawat taong mapapadaan.

mukhang hindi kayang tibagin ang parol na ito. kahit malakas na hangin, mainit na araw, o dumadagundong na ulan, hindi kaya ang parol na ito. at ang parol ay talagang kaakit-akit pagmasdan. nakakatuwa. mukha kasing masaya ang parol sa kanyang kinalalagyan. hindi naman siya titignan at kikilatisin ng bawat makakakita kung hindi talaga ito kabigha-bighani.

tahimik na sana ang parol sa kanyang pinaglalagyan. marahil, natatawa na lamang siya sa mga kumento ng bawat taong dumadaan. mukhang walang pakialam ang parol sa kanila, basta masaya ito sa nangyayari ngayon sa kanya. ganun kung titignan ang parol, parang may maaaninag na ngiti ang lahat ng titingin.

hanggang isang araw. may nagbaba sa parol mula sa pinagsasabitan. dinuraan, tinapakan, pinunit, sinunog at tuluyang sinira ang parol. at iniwan sa daan, marahil para mapagtawanan o sirain pang muli ng iba pang mapadadaan.

ang parol na tahimik na nandoon sa kanyang puwesto ay ginawang basahan sa hindi talaga malamang dahilan. sila ba ay nainggit sa tinatamasang papuri ng parol? sila ba'y naaasar? sila ba'y walang magawa? sila ba'y hindi masayang nakikita ang ibang tao na masaya kapag nakatingala sa parol? sabi nila'y pangit daw ang parol. hindi magandang tinitignan nang kung sinu-sino lang diyan. sabi nila'y mukhang misteryoso ang parol na parang hindi nila makuha ang totoong dahilan kung bakit nandoon ang parol. kaya ba nila ito sinira? ayaw ba nilang sila'y malungkot at ang parol ay tila nakangiti at nagniningning? wala bang karapatan ang parol na maging masaya at wari mo'y walang pakialam sa mundo? ano? wala bang sasagot?

masarap bang ipagyabang sa iyong mga kaibigan, kaopisina at kasambahay mo na, "nakikita mo ba ang parol na iyan? isa ko sa mga sumira sa parol na iyan..."? naging masaya ka ba sa achievement mo na pagdurog sa isang parol na hindi ka naman ginawan ng masama?

ikukuwento mo ba sa iyong mga anak na, "alam mo ba anak na ang parol na iyan ay dating ubod ng ganda at ningning? pero hinatak namin pababa at sinira namin iyan." paano kung tanungin ka ng anak mo kung bakit mo sinira ang parol? ano isasagot mo? dahil trip mo lang? dahil hindi ka kasali sa mga gumawa ng parol? o nainggit ka dahil wala kang ganoong parol?

ngayong wala na ang parol, marami na siguro ang masaya. marami na ang nagdidiwang. marami na naman ang wala ng bagong magawa.

sa isang sulok ng daan, andoon ang parol, pira-piraso, punit-punit, hiwa-hiwalay.

wala na ang ningning ng parol. wala na ang ngiti na makikita sa parol. wala na ang parol.

isa ako sa humanga sa parol na ito. nakakalungkot lamang na hindi ko nagawang bantayan ang parol. hindi ko nagawang pigilan ang mga sumira sa parol. nakatingin lamang ako. umiiyak. nagagalit. nanghihinayang.

kung mamarapatin lamang ng parol na pulutin ko siya, ipunin, ayusin, pagdikit-dikitin, pagtagni-tagniin, ulitin, gagawin ko. makita ko lang ang dating parol na minsang naging bahagi ako sa pagbuo. upang muli kong makita ang ningning at ang ngiti. at babantayan ko ang parol sa kung sino mang nagnanais manakit dito. kung mamarapatin lamang.

nais kong ayusin muli ang parol.

maaari ba?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home